RSS

Ang Minsan

18 Nov

Hayan ka na naman. Nagmumukmok. Pang-ilang beses na ba ito? Hindi na ako nagugulat. Hindi na ako nagtataka.

Heart-broken ka na naman kamo? Hindi na bago. Ganyan ka naman. Magsusulat ka lang kapag may problema ka sa puso. Pero ayos lang, wala naman nag-re-require na magsulat ka parati. Hindi naman ‘to dyaryo o magasin na may quota ng mga sulatin mula sa ‘yo. Wala rin namang may say sa mga ita-type mo, at wala ka namang ibang kausap kundi ako.

Bago ang lahat, tatanungin muna kita. Bakit ka nandito? Gusto mo ng kausap? Ng kaibigan? Ng karamay? Ng magbibigay ng advice? E bakit ka nandito, nagba-blog, hindi sa grupo ng mga kaibigan mo na nahahawakan? Nasasandalan? Napupunasan ng mga likidong galing sa iba’t ibang parte ng katawan mo habang nagkukuwento? Ah, naalala ko. Wala ka nga palang tunay na kaibigan. At nandito ka, dahil gusto mong maging ang sarili mo – nang walang atubili na baka may maka-alam.

Sige simulan mo na ang kwento.  Hindi pala kwento kundi ang pagda-drama mo. Diba ‘yun naman ‘yun. Sige, sayo na ‘tong space na ‘to.

Okay lang na maalala mo siya. Okay lang na malungkot. Okay lang umiyak. Okay lang ang minsan na maging emo ka dahil sa kanya. Pero dapat minsan lang, dahil kung palagi mong hahayaang lamunin ka ng mga emosyon mo, pati ang sarili mo, mawawala sa ‘yo.

Naiintindihan ko na nasaktan ka, at nasasaktan ka. Hindi ko sasabihin na ‘wag kang malungkot dahil nakakalungkot naman talaga na ang taong minahal mo ay pinagpalit ka sa iba. Pero sasabihin kong magpakatatag ka. Ika nga sa Ingles, “This, too, shall pass.” Hindi man sa ngayon, darating din ang panahon na makakalimot ka. ‘Di mo kailangang magmadali. Hindi lahat ng bagay sa mundo ay instant. Maging ang instant coffee at instant noodles ay hinihintay ng tatlong minuto para maluto at matunaw. Kaya ‘wag kang mag-expect na agad-agad mawawala ang sakit na nararamdaman mo. At hindi tulad  ng mga nabibili sa pakete, tao ka, at walang directions na kasama mo para malaman kung paano ka gamitin. Ang magagawa mo lang ay maghintay… kahit nakakasawa ang paulit-ulit na nangyayari sa ‘yo, kahit nakakaasar ang pagiging unfair ng mundo, kahit na alam mong may may nakalaan pang mas mabuti para sa ‘yo. Walang makapagsasabi kung kailan ka dapat magmahal at tumigil magmahal. Ang magagawa mo lang ay maghintay.

‘Wag mong gawing dahilan ng pagluksa ang mga bagay na akala mo ay indikasyon na ng pangmatagalang relasyon. E ano ngayon kung sa kanya mo binigay ang virginity mo? E ano ngayon kung close ka sa pamilya niya? Ano ngayon kung siya ang unang lalaking pinakilala mo sa magulang mo? At ano naman kung ang kwarto niya ay puno ng mga gamit at sulat mo? Kahit ano pang sabihin mo, wala na kayo. Ang mga bagay na ‘yan ay mananatiling alaala na lang. Walang batas na nagsasabi na kapag nangyari na ang lahat ng ‘yan, kayo na ang magkakatuluyan. Oo at binigay mo ang sarili mo sa kanya. Oo at lahat ng plano mo para sa hinaharap ay kasama siya. Hindi naman kayo nakarating dun, diba? Walang nabuong pamilya. Walang naganap na kasal. Hindi ba’t paminsan nga ay pati ang kasal ay nabubuwag? Siguro ay tama na rin siya na hindi na niya pinatagal. Mas mabuti na na siya na mismo ang umamin sa kasalanan.

Okay lang na ma-miss mo siya. Okay lang na aminin sa sarili mo na mahal mo pa siya. Okay lang ang minsan na maramdaman mo ang sakit. Alalahanin mo na sa mga pagkakataong ganyan lalo kang nagiging tao, taong natuto para sa muling pagsuong sa mga darating pa na bagyo.

Beinte anyos ka pa lang, iha. Marami ka pang makatatagpo. Marami ka pang mararanasan. Marami ka pang ikukwento habang hindi pa kayo ng taong pinagdarasal mo.

 
Leave a comment

Posted by on November 18, 2009 in Healing Oneself

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: